Saturday, November 12, 2005

Ang Init ng E-VAT

ni Angel Sy

Katulad ng palaka na nasa kawali, unti unti na namin nararamdaman ang init ng E-VAT.

Kanina lamang sa pagkaubos ng amin LPG lubha akong nagulantang na kinakailangan ko ng magbayad ng mahigit limangdaan piso para sa isang 11-kilo cylinder ng LPG, dahil daw sa E-VAT at sa patuloy na pagtaas ng LPG sa pangdaigdigan merkado.

Umaayaw ang puso at isip ko pero ano ang aking magagawa, kung di magpatangay sa agos ng E-VAT.

Kaya aking naihahalintulad sa PALAKA na unti unting pinakukuluan sa KAWALI ang PILIPINO.

Kasi nga naman kapag ang palaka ay inilagay mo sa kumukulong TUBIG ito ay tatalon at tatakas, ngunit kapag inilagay mo siya sa tubig na malamig na unti unting kumukulo siya ay hindi tatalon hihiga pa siya at masisiyahan sa warm bath na lubhang nakaka relax.... magugulat na lamang siya na sa huli siya ay nilagang palaka na pala, paralisado at bilang na ang oras... masaklap na kapalaran na lubhang nakakabahala dahil yan mismo ang senaryo na nakikita ko sa ngayon sa mahal kong Pilipinas, pero sana nga ay mali ako.... kayo na ang humusga...

Ang presyo ng diesel ay dalawang beses na nag roll back... mas mababa ngayon ang presyo kumpara noon wala pa aniya ang E-VAT, at ang Piso ay 54.45 na lamang dahil din daw ito sa E-VAT, o di ba naman sales talk na sales talk pa lang e mapapabilib ka na. Gumaganda na daw ang ekonomiya at 5% na lamang ang walang trabaho, kaya pala halos makulili na ako sa katatawag sa aking ng kaibigan ko nung college sa kakakulit na tulungan ko siya na makahanap ng trabaho at nadudurog din ang puso ko sa kwento ng aking isang kakilalang tindera na siyang inaasahan ng pamilya dahil walang trabahong makuha ang kanyang ama at ina. Hwag nang isama ang sampu ng aking kakilala na may iba't ibang kwento tungkol sa paghahanap ng trabaho sa Pilipinas ngayon.

Lokohin nila ang lelang nilang panot, bababaan kunyari para di magsilakbo ang damdamin ng Pinoy dahil sa E-VAT... hindi naman makapag bigay ng trabaho sa Pilipinong nagugutom at lalong magugutom dahil sa pesteng E-VAT.