Monday, February 14, 2005

PINOY MIGRANTS' ISSUES: Panibagong Problema ng mga Pilipino: Value-Added Tax Itataas ng 12 Porsiyento!

PANIBAGONG PROBLEMA NG MGA FILIPINO: VALUE ADDED TAX ITATAAS NG 12 PORSIYENTO!
ni Jocelyn Ruiz

Matagal ng usapin ang tungkol sa Value Added Tax(VAT) o tinatawag na buwis na halos ay taun-taon ay nagtataas dahilan sa di mapigilang paghihirap ng bansang PIlipinas ganun na rin sa patuloy na pagbagsak ng piso at sa nauubos na kaban ng bayan. Laging idinidiklera ni Gloria Macapagal Arroyo ang nasabing VAT na kamakailan lamang ay dapat 15 porsiyento ang itataas nito na ginawang 12 porsiyento na lamang sa kadahilanang maraming mga Pilipino ang patuloy na nagrereklamo. Sinabi ni Arroyo na ang paraan daw na ito ay may malaking kadahilanan at ito daw ang maaring magbigay ng pag-asa sa Pilipinas para bumangon.Wala pang itinakdang petsa kung kailan itatakda ang nasabing pagtaas ng buwis pero ito ay siguradong matutuloy sa kadahilanang hindi makabangon ang bansang Pilipinas. Marami ang nagrereklamo lalo't higit ang mga mahihirap dahil kakaunti lamang ang kanilang kita ay kukuhanan pa ng mataas na buwis.

Sa pagtaas ng buwis na ito pati tayong mga OFW ay apektado dahil lahat ay hinihingan kaya ngayon kung ikaw ay uuwi ng Pilipinas makikita mo na marami ang binabayaran natin sa bahay paliparan o airport.Kung ikaw ay OFW na ang motibo ay nagtatrabaho dito sa abroad tayo ay magbabayad sa POEA, OWWA at terminal fee. Samantala ito naman ang nakakapanibago dahil may inilagay na ring Philippine Travel Tax Authority (PTTA) sa airport ng Pilipinas na kung ikaw ay petisyon o wala pang limang taon dito sa Roma ay magbabayad ka daw nito di umano at ganun din ng terminal fee.

Kung ating susuriin, sa pag-uwi ko sa Pilipinas ng tatlong(3) beses bilang petisyon ngayon lamang ako nakontrol ng tax o buwis na ito na bagong patakaran binuksang batas sa Pilipinas na dati ay wala. Bukod dito ay nagbayad pa ako ng terminal fee. Ito ay patunay lamang na naghihirap ang bansa dahil pati tayong mga nagtatrabaho dito ay hinihingan nila ng travel tax samantalang dapat ang hingan ay ang mga foreigners dahil sila ang pumapasok sa ating bansa. Bakit naman kaya dito sa Italya walang travel tax pag umuwi tayo o kaya naman ay pag bumalik tayo? Ngayon po gusto kong ipaalam sa lahat ng OFW na may planong umuwi sa Pilipinas mag ingat po kayo sa travel tax, pag po kayo ay nagbayad na sa Tourism, sa OWWA o sa POEA kayo po ay hindi na dapat magbayad ng travel tax. Marami ang manloloko at naloloko sa travel tax na ito kaya kabayan kaunting ingat lang po!

Para naman sa 12 porsiyento na pagtaas ng VAT ang masasabi ko lang kawawa ang mga taong naghihirap dahil patuloy silang ilalagay sa kahirapan na patuloy nilang tinatamasa. Ang masasabi ko lang sa gobyerno ng Pilipinas sana gamitin naman po natin ang isip bakit hindi ninyo hingan ng malaking tax ang mga mayayaman dahil sila ang malakas maglabas ng pera at kumikita ng malaki. Bakit hindi ninyo tingan at suriin ang sweldo ng mga engineer, doktor, abogado, pulitiko, artista at mga negosyante?

Hindi natin makakamit ang tamang kaban ng bayan dahil sila mismo ay hindi nagbabayad ng tamang buwis dahil hindi naman kayang kontrolin ng gobyerno ang mga matataas na tao kaya ang mga kawawa na lang paslit ang napagbabalingan ng mga katiwalaang nagaganap sa bansang Pilipinas. Kawawa ang mga mahihirap dahil ang piso na kikitain sa pagtitinda ay ibabayad pa ng buwis! Hindi ninyo lang kasi alam na kung minsan hindi na kasi nalalagyan ng resibo o kaya naman ng kaukulang sweldo ang ibang nagtatrabaho sa Pilipinas kaya hindi kataka-taka na hindi makumpleto ang VAT at dahil na rin sa mga nagagawa na lusot sa gusot. Isa pa ring dahilan ay marami ang hindi nakakabayad ng VAT dahil hindi na kayang kontrolin ng gobyerno ang mga tao sa dami ng populasyon ng Pilipinas.

Sa pagtaas ng VAT wala na tayong magagawa dahil gapang na ang Pilipinas sa hirap.

No comments: