ni Jocelyn Ruiz
jocelynruiz3333@yahoo.com
Maraming mga Pilipino ang naghangad at pinalad na mangibang-bayan. Iba’t-ibang dahilan, layunin, pananaw at mithiin sa buhay upang matugunan ang pangangailangan. Iba-iba din ang naging paraan upang mangibang-bansa at ito ay maaaring “direct hired”, petition, tourist, invitation, jumpshot sa barko, agency, scholarship o pag-aaral, pilgrimage, at meron ding tinatawag na “baklas” o kaya naman ay mga illegal na sinuwerte na makapunta sa bansa na nais nilang marating.
Sabi nga nila walang madali sa mundo at halos lahat ng bagay ay paghihirapan mo muna bago mo makuha o maabot. Ang pagtatatrabaho sa abroad ay puno ng pakikipagsapalaran. Dito sa Roma, kung bibigyan ng pansin at susuriin maraming problema ang kinakaharap at hinarap ng mga migranteng pilipino. Isa sa mga kauna-unahang ng problema hanggang sa kasalukuyan ay ang linggwahe o salitang Italyano. Mas mahirap ito kaysa sa salitang ingles katulad ng mga nasabi ng mga kabataang pilipino na nag-aaral dito sa italya, ang mga pagbikas nito ay kinakailangan ng masusing pag-aaral.
May iba’t-ibang karanasan at hirap ang dinanas ng ating mga kababayang Pilipino ng dahil lamang sa linggwahe o salitang Italyano. Hindi ka makakapagtrabaho ng maayos kung hindi ka marunong ng kanilang salita o kahit kaunting salita nila. Kung ikaw naman ay mabibigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho pero wala kang alam sa kanilang salita ikaw ay magiging bulag na nangangapa sa dilim o isang pipi na hindi kayang maibuka ang bibig sapagkat hindi ganun kadali na intindihin ang kanilang salita. Kung ikaw naman ay nakatapos ng pag-aaral sa Pilipinas, hindi rin ganoon kadali na magamit mo ang iyong pinag-aralan sa abroad kung hindi mo kayang makapagsalita ng kanilang salita.
Maraming mga Pilipino ang umiyak sa ganitong dahilan at maaaring hanggang ngayon ay hindi nila matanggap ang kanilang nadatnan at nararanasan. Marami ang nakaranas na minumura na pala sila ay hindi pa nila alam, merong sinasabihan na sila ay papatayin na ay nakangiti pa rin o sasagot pa ng “Si” o Oo. Meron din namang mga nakaranas na inuutusan sila pero nagkamali ng nakuha o nabili dahil sa mali ang kanilang pagkaunawa. Kung minsan aakalain mo na galit ang mga italyano pero hindi pala. Malaki kasi ang pagkakaiba ng mga italyano sa mga Pilipino.
May mga karanasan din na minumura o pinagagalitan ang isang pilipina pero hindi maipagtanggol ang kanyang sarili dahil sa hindi makapagsalita kung papaano maipapalawanag ang kanyang nais sabihin kaya mananahimik na lang, tinatanggap ang mga masasakit na salita kahit nasasaktan o kaya naman ay pupunta sa isang sulok para pahirin ang luhang tumutulo o kaya naman iisipin ang mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas.
Tayong mga Pilipino kasi kayang tiisin ang lahat para lamang sa mga minamahal, iyon nga lang hindi naman nila alam ang hirap na ating nararanasan. Ang pakikipagsapalaran ay hindi madali sapagkat nangangailangan ito ng tatag at tibay ng loob. Ang pagsasalita ng isang wika ay mahalaga sapagkat ito ang daan upang magkaunawaan at makapagpahayag kung anu ang nais nating sabihin at iparating. Tulad ng pangingibang-bayan ito ay isang pakikipag-ugnayan ng sarili, isip at puso.
3 comments:
i would like to commend you for continuously sharing your thoughts and work with us, who cannot articulate well what we would like our kababayans to know. thank you for being our voice. God bless you and the rest of the rpv team.
Sorry,jocelyn. i forgot to change the default identity button. it was not the blogmaster who just stated that.
hi jocelyn, ano po ba mga requirements para makakuha ng visit visa d2 sa italian embassy manila? thanks and more power...
Post a Comment