Tuesday, April 05, 2005

Sa Paglisan ng Santo Papa

ni Jocelyn Ruiz
jocelynruiz3333@yahoo.com

Isang napakakontrobersyal na isyu ang pinagdadalamhati ng halos lahat ng tao sa mundo at ito ay ang pagkamatay ng ating butihing Santo Papa na si John Paul II noong Sabado, ika-2 ng Abril 2005 ganap na alas 9:37 ng gabi. Walang tigil ang pagdadarasal ng rosaryo at panalangin ng milyong-milyong mga tao dito sa daigdig. Marami din ang nag-alay ng misa para sa paglisan ng ating Santo Papa.

Hindi rin nagpaawat ang media (dyaryo, telebisyon at radyo) sapagkat halos minu-minuto o oras-oras ay kinukuha nila ang mga detalye o inpormasyon ukol sa kaganapan ng pangyayari. Ganun din hindi nagpapigil ang mga website sa paglalathala sa internet ng kung anu-anu tulad noong hindi pa namamatay ang Santo Papa ay nakahanda ang mga balita sa kanyang kamatayan. Marami ang lumuha, nagdalamhati, nanghinayang, at umiyak sa kanyang pagkawala. Marami din ang binigyan ng pagkakataon na makapagsalita kung anu ang nagawa sa kanila ng Santo Papa at sila ay may sari-sarili ring istorya na nakakaantig ng puso.

Bago umano namatay ang Santo Papa noong ika-1 ng Abril 2005, Biyernes, siya daw ay nakapagsulat pa ganito: “Masaya daw ako at nakahanda na ihabilin ang aking buhay sa Mahal na Birheng si Maria”. Kung susuruin ang pananalitang ito kapuna-puna na siya ay nagbitiw ng salitang may kasiguraduhan sa kanyang sarili na nagpapatunay lamang na siya ay handa ng mamatay, pumunta sa pangalawang buhay at lalo’t higit ang humarap sa Diyos. Kung atin ding pagbubulay-bulayan siya ay maihahalintulad kay Hesukristo dahil ipinakita sa kanyang sinulat na nabanggit pa niya ang Mahal na Birheng Maria na itinuring niya ding ina na tulad ng Bugtong na Anak ng Diyos.

Kung ating ding babalikan ang lahat ng mga Santo Papa na nanungkulan ang Santo Papa na si John Paul II ang may pinakamatagal dahil dalawanpu’t-anim(26) na taon na panunungkulan sa Diyos, sa tao, sa bayan, sa kabataan at sa simbahan. Naging pantay-pantay ang kanyang pagtingin sa lahat ng lahi sa mundo kahit saanman at anu pa man ang pinagmulan. Marami ang kanyang tinulungan at binuksan ang isipan upang magkaroon ng buhay patungo sa liwanag at pag-asa.

Sa atin namang mga Pilipino, malaki ang kanyang pagmamahal. Isang patunay ang pagbibigay niya ng simbahan sa atin, ang Basilica Sta. Pudenziana o tinawag na Sentro Pilipino dito sa Roma. Ganun din ang simbahan ng iba’t-ibang Filipino communities. Katulad din ng interview sa ating Philippine Ambassador to the Holy See na si Leonida Vera na nabigyan ng pagkakataon na makausap ang Santo Papa sa loob ng talumpung(30) minuto. Isa pa ring patunay ay ang minsan niyang pagbisita sa bansang Pilipinas sa panahon ni Marcos.

Ganun din ang pagkilala niya sa mga Pilipino sa dahilan na nalalaman niya kung ikaw ay Pilipino katulad ng mga Pilipino na nabigyan ng pagkakataon na makahalik sa kamay ng Santo Papa at makita siya ng personal at halos pare-pareho ang kanilang naranasan:isang mainit na pagtanggap. Ganun din tatanungin ka pa niya ng ganito: Filippine? At pagsumagot ka ng “Si” ay magsasabi siya ng “Mabuhay” o di ba isang karangalan para sa atin?

Masarap balikan ang nakaraan at ilan lamang ito sa mga bagay at panahon na lumipas kung saan nakasama natin ang Santo Papa. Nakakalungkot na siya ay sumakabilang buhay na subalit ang mga ala-ala niya ay mananatiling buhay sa ating puso at isipan. Sa ngayon mas dapat tayong magpasalamat at binigyan tayo ng pagkakataon na magkaroon ng Santo Papa na tulad niya at patuloy nating ipagdasal ang kanyang kaluluwa at hilingin sa Diyos na magkaroon tayo ng Santo Papa uli na tulad niya upang mas lumago at umunlad ang buhay pisikal at ispirituwal.

No comments: