Friday, July 01, 2005

Buhay OFW, May Pagbabago Nga Ba?

ni Jocelyn Ruiz
jocelynruiz3333@yahoo.com

Isa sa mga bansa na may pinakamaraming Pilipino na nangingibang bayan o OFWs ay ang bansang Italy. Dito pa lamang sa Roma libo-libo na ang mga Pilipinong sa kasakuluyan ay nagtatrabaho na may papel at ganun din ang mga walang dokumento. Marami ang nagtatrabaho dito na halos bilangin ang taon at kung minsan ay kulang ang mga daliri sa paa at kamay kung bibilangin ang taon ng pananatili nila sa bansang ito.

Pero may katanungan na dapat nating bigyan ng kasagutan at pansin, TOTOO BANG MAY MGA PAGBABAGO NA NAGAGANAP? MAY PAGLAGO BA AT PAG-UNLAD? Alam nating lahat na iisa ang ating pinanggalingan at may kanya-kanya tayong dahilan kung bakit tayo ay patuloy na nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Pero nasaan nga ba ang tunay na pagbabago? Hanggang dito na lang ba tayo? Pagbabago? Isang salita na hindi madaling bigyan ng tamang pakahulugan. Kung ito ay susuriin ito ay tumutukoy sa paglago at pag-unlad. Ito ay ay tumatalakay din sa pag-iiba ng tao, bagay o pook. Marami ang pakahulugan nito at marahil kayo ay may sariling pakahulugan sa nasabing salita.

Kung iisa-isahin ang mga pagbabago na naganap sa buhay ng mga Pilipino dito sa Roma ay marami talaga. Una, ang pagkakaroon ng “permesso di soggiorno o permission to stay” nating mga dayuhan na nakakapagbigay sa atin ng karapatan na makapagtrabaho at gumawa ng mga bagay na nais nating gawin sa legal na paraan na walang pag-aalinlangan.

Ikalawa, ang pagkakaroon ng mga ahensiya at organisasyon o asosasyon na may kinalaman sa pagpapalago ng mga Pilipino tulad ng Philippine Embassy at Embassy to the Holy See. Mayroon tayong mga asosasyon na tumutulong sa karapatan nating mga Pilipino tulad ng Balikabayani Foundation, Kapakanan, Umangat, Migrante Party List at kung anu-ano pa.

Ikatlo, Ang pagkakaroon natin ng mga simbahan at community dito sa ibang bansa na malaya tayong makapagmisa at mayroon pa tayong sentro-Pilipino na tinatawag. Malaya din tayong magkaroon ng mga palabas tulad ng mga concert , mga proyekto na lumilinang ng ating kultura.

Ikaapat, nagkaroon tayo ng representative sa commune o consigliere di agguinti sa pamumuno ni Yrma Tobias upang mapakinggan ang boses ng mga dayuhan sa Asya. Ikalima, marami na sa ating mga Pilipino ang nagamit ang kanilang natapos sa ating bansa na nakakapagtrabaho dito sa mga opisina. May mga nurse, may nagtatrabaho sa commune at stranieri in italia tulad ni Annaliza Bueno Magsino, may nagtatrabahong Pilipino din sa FAO o Food and Agricultural Organization, nagkaroon ng asilo nido tulad ng Munting Paaralan. Nagkaroon din ng mga radio station at isa nga dito ang Radyo Pilipino ng Vaticano at nagkaroon din ng mga TV Station na Ito ang Pinoy at sa kasalukuyan ay ang Pusong Pinoy.

Tayo ay binigyan na rin ng pagkakataon na makapag–aral sapagkat may mga paaralan dito para sa mga dayuhan kagaya ng Daniele Manin sa Santa Maggiore at Leonardo Da Vinci sa Via Cavour at marami pang iba. Ilan lang ito sa mga pagbabago na naganap sa ating mga Pilipino. Kaya sa pagpapatuloy ng mga pagbabagong ito dapat mas lalo pa tayong magkaroon ng pagsisikap at pagtitiyaga para lalo pa tayong umunlad. Kaya nais ko pong ipaabot ang mensahe na ito sa lahat upang magpatuloy tayo sa ating nasimulan.

Sa Philippine Embassy, sana naman po maglunsad kayo ng proyekto na makakatulong sa ating mga kababayan dito sa abroad na magpapalago ng turismo at kultura ng bansang Pilipinas at ng makatulong tayo sa pag-ahon sa lugmok nating bansa. Kung ito po ay hindi ninyo kayang gawin sana naman ipaalam ninyo sa mas nakakataas sa inyo. Kayo rin po ay makilahok sa iba-ibang okasyon na nagaganap sa iba-ibang communities dito sa Roma bilang pagsuporta sa aming nanangangarap ng malaking pagbabago. Sa inyo pong pangserbisyong paggawa na ipatupad po ang magandang pagngiti at pagiging “HOSPITABLE” sa amin lalo kung kami ay nag-aayos ng aming mga pasaporto o anumang dokumento.

Hiling din po namin sa inyo na kumpletuhin ang inyong mga ipinadadala sa amin na dokumento at kung maari ay magkaroon ng mas mabilis na serbisyong tutulong sa ating mga kababayaan na lalot higit ang nasa labas ng Roma.Ganun din ay sana maibigay ninyo ang sapat na inpormasyon na dapat naming malaman. Sa Embassy to the Holy See, maganda po ang naririnig namin at nakikita sa inyo. Totoo pong nakikita ang inyong magandang serbisyo lalo’t higit po ang magandang layunin sa naganap na Family Day sa Fatima noong nakalipas na Oktubre at ang pagkakaroon na ng taun-taon na Family Day. Ganun din po batid namin na bukas-palad kayong tumutulong sa mga simbahan at community sa pagpapalago ng buhay pisikal lalot higit ay ang spiritual.

Marami pong salamat at hiling namin na ito po ay inyong ipagpatuloy. Sa inyo po YRMA TOBIAS ng CONSIGLIERE DI AGGUINTI, isang karangalan na kayo ay mapabilang sa nanalo bilang representative ng Asya ng mga dayuhan dito sa Roma. Napansin po namin na matapos ang eleksiyon ay wala ng ingay na nagaganap. Tanong po namin ay ito: MAY MGA PROYEKTO PO BA NA PWEDE KAMING MAKIBAHAGI? MAY MGA INPORMASYON PO BA AT MENSAHE NA DAPAT KAMING MALAMAN?

Ito po ang mga tanong na nais naming mabigyan ng kasagutan. Hindi po ito pagmamagaling pero ito ay tanong na dapat naming malaman.Gusto po namin kayong matulungan at kami naman po ay matulungan ninyo rin bilang mga PILIPINONG DAPAT MAGKAISA AT MAIAHON SA LAYUNING MAKAKAPAGPABAGO. Ito po ay hindi pagbatikos kundi upang kayo po ay aming suportahan. Para naman sa ating lahat, ito po ang tanong na dapat din nating pagnilayan, may pagbabago na ba sa ating sarili? Sa dami ng taon ng pamamalagi natin dito sa ibang bayan may nagawa na nga ba tayo? Kahit ikaw, na bumabasa nito ngayon, may nagawa ka na rin ba? Paano kung dumating ang panahon na wala na tayong lakas na panlaban, may kasiguraduhan ba tayo na may tutulong din sa atin balang araw? Hindi po masama ang pagtulong pero sana isipin din naman natin ang ating sarili?

Baka tayo ay nagkautang-utang na sa 5-6 na porsyentuhan, o kaya naman ay di na tayo nakakabayad. Nakakawa naman tayo kung ganito ang mangyayari sa ating buhay. Dapat po tayo ay may plano, kung tayo po ay magtatagal dito wag na po nating sayangin ang panahon pwede tayong gumawa ng mga maraming bagay tungo sa pagbabago at pag unlad. Para po sa akin, sa paghakbang natin sa ating buhay lagi nating isipin na makakabuti ba ito sa aking kapwa, sa ating bayan, sa ating sarili lalo’t higit sa Diyos.

Dapat maramdaman din natin na masaya tayo at mayroon tayong layunin. NASA ATING MGA KAMAY ANG MAGANDANG BUKAS UPANG MAKAMIT ANG PAGBABAGO NA SAPAT!.

2 comments:

Teacher Sol said...

"NASA ATING MGA KAMAY ANG MAGANDANG BUKAS UPANG MAKAMIT ANG PAGBABAGO NA SAPAT!"

Ang ganda ng mga sinabi dito sa entry na ito. Yung huling linya, quoted ko sa itaas, parang ganito rin ang sinabi ko sa phone patch interview sa akin ni Michael Vincent, isang Filipino radio manager sa HongKong. Ganito naman ang huling linya ko:

MAY PAG-ASA PA MGA KABABAYAN, PERO NASA MGA KAMAY NATIN ITO. KAYANG-KAYA NATIN ANG MGA ITO DAHIL PILIPINO TAYO!

Isa nga pala akong OFW rin dito sa Washington DC, Special Education Teacher na katulad ninyo nangangarap pa na may magandang kinabukasan parin para sa ating bansa at ating mga kababayan; sana ay may magawa ang ating mabuting layunin sa ating pagiging proactive bloggers/ writers...

Anonymous said...

unlad na tayo. sabi ng iba wala na tayong pag-asa, e bakit ba ayaw pa natin kumilos? pero kung kikilos ka naman ng nag-iisa, wala rin.